2 preso sabay natodas sa piitan

Dalawang bilanggo ang binawian ng buhay habang nakapiit sa Holy Spirit Police Station (PS-14) ng Quezon City Police District (QCPD) noong Linggo ng umaga dahil umano sa septic shock.

Ang mga preso ay nakilalang sina Allan Rey Papa, 41, walang asawa, residente ng Brgy. San Isidro Labrador, QC; at Vergel Delima Corpuz, 31, walang asawa, at naninirahan sa Brgy. Pasong Tamo, QC.

Si Papa ay naaresto ng mga operatiba ng QCPD PS-14 noong January 28, 2022 sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), habang si Corpuz ay nadakip naman noong January 23, 2022 sa mga kasong paglabag naman sa Article 327 (Malicious Mischief) at Article 155 (Alarms and Scandal) ng Revised Penal Code.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Nido Gevero Jr. ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, bandang alas-11:30 ng umaga, Pebrero 6, nang matagpuang wala nang buhay ang mga nasabing preso sa loob ng piitan ng PS-14.

Sa report ng Duty Desk Officer na si P/SSg. Ron Gumabao ng Culiat PCP, tinawag umano ang kanyang pansin ng mga preso at sinabing nahihirapan silang huminga.

Agad naman umanong ipinadala ni Gumabao sa kanyang mga kasamang duty jailer na sina P/SSg. Mark Sotto, at Patrolmans Sarlie Igharas at Lester Flores ang mga nasabing bilanggo sa Quezon City General Hospital subalit kapwa binawian na ng buhay ang mga ito.

Nabatid na septic shock ang ikinamatay ng nasabing mga preso, batay sa initial finding ng doktor. (Dolly Cabreza)

The post 2 preso sabay natodas sa piitan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments