Abogadong kandidato niratrat

Patay ang isang abogado na kandidato sa pagka-konsehal sa lungsod ng Sto. Tomas, Batangas matapos siyang pagbabarilin sa loob ng kanyang opisina, Huwebes ng tanghali.

Kinilala ng Malvar Police ang biktima na si Reginald Michael Manito, 42-anyos.

Batay sa report ng Sto. Tomas Police, mag-aalas-11:00 ng umaga, nasa loob ng kanyang opisina sa Gov. Malvar Ave., Brgy. Poblacion 1 ang biktima kasama ang kanyang sekretarya nang pasukin ito ng dalawang hindi nakilalang gunman.

Malapitang pinagbabaril ng mga suspek ang biktima at saka tumakas. Hindi naman nila sinaktan ang sekretarya.

Isinugod pa si Manito sa ospital subalit ideneklara na siyang dead on arrival ng doktor.

Si Manito ay tumatakbo sa pagka-konsehal ng Sto. Tomas sa tiket ng kasalukuyang vice mayor na si Armenius Silva, na tumatakbo naman sa pagka-alkalde sa lungsod.

Sa ngayon, inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at kung may kinalaman ba sa politika ang pananambang. (Ronilo Dagos)

The post Abogadong kandidato niratrat first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments