Kapitbahay pinagdamutan ng internet, nagwala

Nagpaulan ng mura at nanipa pa ng motorsiklo ang isang lalaki sa Taytay, Rizal matapos na hindi mabigyan ng Wi-Fi password ng kanilang kapitbahay.

Nag-viral sa Facebook ang isang video kung saan makikita ang isang nakahubad na lalaki na naninigaw at nagwawala habang kinukompronta ang kapitbahay na ayaw magpahiram ng Wi-Fi.

Sa ‘Frontline Pilipinas’, kinilala ang lala­king nagwala na si Aurelio Sauro, kung saan pinaliwanag niyang kailangan daw kasi ng kanyang anak ang internet connection para sa pag-aaral nito.

“Mga anak ko nagmo-module kaya dapat pinakinggan mo ‘ko!” maririnig na sigaw ng lalaki sa kanilang kapitbahay na kinilala namang si Jessica Mapi-ot.

Paliwanag naman ni Mapi-ot, sila umano ang nag-alok kay Sauro na makikabit na lang sa kanila ng internet, at P200 lang sana ang sisingilin nila rito.

Pero inabisuhan na raw nila ang lalaki na ibibigay lang ang password kapag natapos na sa call center training ang kanyang kapatid.

Sabi pa ng babae, nakainom daw ang la­laki at nasira rin umano ang kanilang motorsiklo nang itumba ng nagwalang kapitbahay.

Depensa naman ni Sauro, nagalit siya dahil tila pinapaasa lang daw sila nila Mapi-ot.

“Nalaman ko kay Jessica na ayaw daw magpakabit kasi mababa lang ‘yong MB (megabits) na kinuha nila [kaya] ‘pag kumonek kami, hihina,” sambit ng lalaki.

“Sana noon pa sinabi para hindi kami umasa,” aniya pa.

Umalis na sina Mapi-ot at kanyang kapatid sa kanilang inu­upahan sa Taytay para makalayo kay Sauro.

Pina-blotter na rin nila ang naturang insidente at balak kasuhan si Sauro ng alarm and scandal at damage to property. (Ray Mark Patriarca)

The post Kapitbahay pinagdamutan ng internet, nagwala first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments