Rehas na bakal sa halip na manok ang hinihimas ngayon ng limang sabungero makaraang madampot sila ng mga pulis matapos sakalayin ang isang tupadahan sa Malabon City nitong Linggo.
Paglabag sa PD 1602 as amended by R.A. 9287 (tupada) ang ikinaso laban kina Jonathan Danggod, 43-anyos; Ruel Aquino, 36; at Rame Jorca, 31, pawang ng Brgy. Sto. Domingo, Quezon City; Renato Cruz, 34, nakatira sa Brgy. Tonsuya, Malabon City; at Cerilo Calvo, 39, ng Brgy. Balingasa, Quezon City.
Ayon kay P/Lt. Zoilo Arquillo, pinuno ng Intelligence Section, dakong alas-11:26 ng tanghali, may tumawag sa Barangay Information Network na may nagaganap umanong tupada sa kahabaan ng Damata St., Brgy. Tonsuya.
Base pa sa sumbong, malalakas na sigawan ang maririnig sa tuwing bibitawan na ang mga manok, saan wala nang social distancing at wala ring suot na face mask ang mga nagsasabong.
Nagresponde ang mga pulis sa lugar na tinuran ng caller at aktong naabutan pa umano ang mga nagsasabong.
Kanya-kanyang pulasan ang mga sabungero, pero hindi nakaeskapo ang limang suspek kaya binitbit ang mga ito sa presinto.
Narekober ng mga parak ang dalawang patay na panabong na may tari pa, at P6,300 na pustang pera. (Orly Barcala)
The post 5 sabungero dinakma sa tupada first appeared on Abante Tonite.
0 Comments