Konsehal, mister pinakain ng bala

Patay ang isang babaeng barangay councilor at ang mister niya matapos silang pagbabarilin ng nagpakilalang mga militar habang naghahanda ng kanilang hapunan, Linggo ng gabi, sa bayan ng San Fernando, Cebu.

Dead on the spot dahil sa mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktimang sina Maria Louella Baringian, barangay councilor, at asawa nitong si Peter Baringian.

Sa ulat na ipinadala ni Police Major Efren Diaz Jr., hepe ng San Fernando Municipal Police Station (MPS) sa tanggapan ng Police Regional Office (PRO) 7, naganap ang insidente pasado alas-8:00 ng gabi nitong Linggo habang naghahanda ng pagkain sa labas lang ng kanilang bahay sa Brgy. Balungag ang mag-asawa kasama ang kanilang mga anak.

Bigla na lang umanong dumating ang tinatayang nasa limang kalalakihan na armado ng mahahabang kalibre ng baril at nagpakilalang mga militar sabay pagbabarilin ang mga ito.

Hindi naman dinamay ng mga suspek ang mga anak ng mga biktima subalit matapos ang pamamaril ay hinalughog pa umano nila ang bahay ng pamilya Baringian at kinuha umano ang mga alahas at hindi pa batid na halaga ng pera ng mag-asawa bago nagsialisan.

Ayon kay Diaz Jr., patuloy ang ginagawa nilang imbestigasyon hinggil sa kaso at lahat ng anggulo ay kanilang titingnan para sa ika­lulutas nito.

Kabilang sa mga posibleng motibo ng pamamaslang ay ang away sa negosyo dahil napag-alaman na mayroong ilang negosyo ang pamilya, ganoon din ang personal na alitan, away sa politika, at iba pa na maaaring makatulong sa paglutas ng kaso. (Edwin Balasa)

The post Konsehal, mister pinakain ng bala first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments