Malacañang kinaladkad ng scammer

Binalaan ng Malacañang ang publiko laban sa isang ‘Michael Roa’ na nagpapakilalang konektado sa Malacañang at nanghihingi ng pondo mula sa mga local government unit.

Sa ipinalabas na warning ni Executive Secretary Salvador Medialdea, nagpapanggap umano si Roa bilang chief of staff ng Office of the Executive Secretary (OES) at nangingikil ng pondo mula sa mga lokal na opisyal at may superbisyon umano ng Palasyo.

Binigyang-diin ni Medialdea na walang basbas ang kanyang tanggapan para manghingi ng pondo at wala aniya siyang kilalang Michael Roa na empleyado ng OES.

“The Office of the President and the OES have not authorized any person using that name to act for and in their behalf. Both offices likewise do not have any Michael Roa under their employ,” ani Medialdea.

Pinayuhan ng kalihim ang publiko at mga lokal na opisyal na agad iulat sa 8888 Citizen’s Complaint Center kapag lumapit sa kanila at nanghingi ng pera si Roa para agad na mabigyan ng aksiyon.

Tiniyak ni Medialdea na mananagot sa batas ang impostor na gumagamit sa Tanggapan ng Presidente at ng kanyang tanggapan para manghingi ng salapi sa mga lokal na opisyal.

“We will ensure that he and any other person using the said name shall be made responsible to the fullest extent of the law,” dagdag ng kalihim. (Aileen Taliping)

The post Malacañang kinaladkad ng scammer first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments