Leni kakampi ng mga katutubong Ati sa Boracay

Binigyang-diin muli ni Vice President Leni Robredo ang kanyang suporta sa karapatan ng mga katutubong Ati na ipinaglaban ng pumanaw niyang asawa na si dating Department of the Interior and Local Government (DILG) secretary Jesse Robredo.

“Ang hindi naisip na `yong kultura n`yo mas mahalaga pa kahit anong negosyo, na `yong inyong kultura, `yong pangangalaga dito ay bahagi ng ating pagiging Pilipino,” pahayag ni Robredo sa kanyang pagbisita sa Boracay.

Binisita ni Robredo, kandidato sa pagka-pangulo sa halalan sa Mayo, ang pamayanan ng mga Ati na wala pa umano sa 300 ang botante.

Mga Ati ang unang nanirahan sa isla ng Boracay subalit napilitang iwanan ang kanilang pamayanan sa pagdating ng mga migrante at turista sa lugar.

Sa kabila ng pinanghahawakan na Certificate of Ancestral Domain Title sa mahigit 2.1 hektaryang lupain sa isla ay hindi nito napigilan ang iba pang claimant na palayasin sila.

Pansamantala lang natigil ang pangha-harass sa kanila nang gumitna sa isyu si Jesse na noo’y kalihim ng DILG.

Tiniyak ni Robredo na ipaglalaban niya ang karapatan ng mga Ati at iginiit na dapat aprubahan muna ng mga taga-Boracay bago pagtibayin bilang batas ang Boracay Island Development Authority (BIDA) bill na nakabinbin sa Senado. (Nancy Carvajal)

The post Leni kakampi ng mga katutubong Ati sa Boracay first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments