Mag-utol nalunod sa selfie

Patay ang isang magkapatid matapos na tangayin ng malakas na agos habang nagsi-selfie sa Chico River sa bahagi ng Purok 2, Brgy. Bulanao, Tabuk City, Kalinga.

Sa ulat ng Tabuk Police Station, kinilala ni Major George Acob ang nasawing magkapatid na sina Maybelle, 20, at Frank Gonzalo, 17, kapwa nakatira sa Purok 1 ng nasabing barangay.

Ayon kay Acob, nag-outing ang pamilya Gonzalo kasama ang iba pa nilang kamag-anak sa Chico River.

Habang nagkakasayahan, nagpunta umano ang magkapatid sa ilog para kuhanan ang kanilang mga sarili gamit ang cellphone.

Habang nakalusong sa tubig ang magkapatid at nag-selfie, bigla na lamang umano sila tinangay ng malakas na agos ng tubig.

Sinabi ng pulisya, base na rin sa lokal na rescue team, natagpuan na lang ang bangkay ni Frank sa isang bahagi ng pampang ng ilog sa boundary ng Brgy. Socbot at Cabaruan.

Noong Biyernes ng gabi naman nakita ang bangkay ng isa pang biktima na si Maybelle.

Babala ng mga awtoridad na maging alerto ang mga nag-a-outing sa kanilang paligid lalo na sa mga ilog upang makaiwas sa anumang disgrasya. (Allan Bergonia)

The post Mag-utol nalunod sa selfie first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments