Grade 9 tinimbog sa laruang boga

Kalaboso ang isang grade 9 student makaraang mahulihan ng isang replica ng baril sa Navotas City nitong Sabado.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) kaugnay sa Omnibus Election Code ang suspek na itinago sa pangalang Larry, 16-anyos.

Ayon kina P/Cpl. Clifford Lumelay at Patrolman James Christian Sablaon, mga nakatalaga sa Sub-Station 4, bandang alas-10:30 ng gabi, nagsasagawa sila ng Oplan Sita sa kahabaan ng Lapu-Lapu St., Dagat-Dagatan, Brgy. NBBS sa Navotas City.

Lumapit sa kanila ang isang residente at sinabing may nagkakagulo raw na kabataan sa kahabaan ng Tumana Bridge, Brgy. NBBS kung saan isa raw sa mga ito ay armado ng maikling baril.

Kaagad na rumesponde ang dalawang pulis sa tinurang lugar ng residente at pagkakita ng mga menor de edad sa police mobile ay kanya-kanya na silang nagpulasan.

Hindi naman nakatakas si Larry kaya nahuli siya ng mga parak at nang kapkapan ay doon na nakuha mula umano sa kanya ang replica ng cal. 45. (Orly Barcala)

The post Grade 9 tinimbog sa laruang boga first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments