Pumalag ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa panukalang offshore mining sa Lingayen Gulf sa Pangasinan dahil papatayin umano nito ang industriya ng isda at iba pang yamang dagat, gayundin ang turismo sa lalawigan.
Ayon kay BFAR director at Philippine Coast Guard (PCG) retired commodore Eduardo Gongona, mariin nilang tinututulan ang panukalang offshore mining na sumasaklaw sa 9,252.45 ektaryang karagatan sa mga bayan ng Lingayen, Sual, Binmaley, Labrador at Dagupan City.
Idiniin ni Gongona na bilang isa sa mga stakeholder na may responsibilidad na pangalagaan ang mga karagatan sa bansa, obligasyon ng BFAR na hadlangan ang anumang hakbang na makasisira sa mga bakawan na tahanan ng iba’t ibang nabubuhay sa karagatan.
Nabatid na bukod sa mahigit 3,000 cage o kulungan ng mga bangus, nagsisilbi ring tahanan ng libo-libong ektarya ng mga palaisdaan at fish pen ang kabuuan ng Lingayen Gulf.
Sinabi ni Gongona na kritikal na lugar ang Lingayen Gulf para sa panukalang offshore mining kung kaya’t dapat itong isailalim sa Environmental Impact Assessment (EIA) sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa panig ng BFAR, iginiit ni Gongona na tutol sila sa anumang hakbangin na makakaapekto sa kalidad ng mga karagatan sa bansa, gayundin ang lahat ng nabubuhay sa nasabing gulpo alinsunod na rin sa itinatadhana ng Fisheries Code ng Pilipinas.
Samantala, nanawagan na rin umano ang BFAR sa mga local government unit sa paligid ng Lingayen Gulf na tutulan ang nasabing panukala dahil sa peligrong idudulot nito sa kapaligiran.
Ang Lingayen Gulf ay isa mga fishing ground sa bansa na sumasakop sa 2,064 square kilometer ng tubig. Pinaliligiran ito ng mga bayan ng Agoo, Alaminos, Anda, Aringay, Bani, Bauang, Binmaley, Bolinao, Caba, Dagupan, Labrador, Lingayen, Rosario, San Fabian, San Fernando (La Union), Santo Tomas at Sual.
Nauna na ring tinutulan ng iba’t ibang grupo ang panukalang offshore mining sa Lingayen Gulf dahil tiyak din umanong makakaapekto ito sa dalawang protected area sa lugar – ang Hundred Islands National Park at Agoo-Damortiz Protected Seascape – na paboritong pasyalan ng mga turista sa lalawigan. (Mia Billones)
The post Lingayen Gulf wawasakin ng mining first appeared on Abante Tonite.
0 Comments