Nailigtas ng pulisya ang isang lalaki matapos niyang tangkaing tumalon mula sa poste ng Meralco dahil umano sa depresyon sa kanyang mga sakit na tuberculosis (TB) at pulmonya noong Miyerkoles ng hapon sa Las Piñas City.
Dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang 32-anyos na biktima na residente ng Las Piñas City dahil sa tinamong sugar sa binti mula sa pumutok na electrical wire na kanyang nadikitan.
Ayon kay Southern Police District director MGen. Jimili Macaraeg, naalarma ang ilang tao nang makita nilang nakatungtong ang lalaki sa crossbeam ng poste ng Meralco sa kanto ng Marcos Alvarez Ave., Brgy. Talon Uno bandang alas-5:00 ng hapon, kamakalawa.
Agad umanong tumawag ang mga ito sa kalapit na estasyon ng pulisya nang makita nilang akmang tatalon ang lalaki.
Halos isang oras din umanong nakipagnegosasyon ang mga pulis sa lalaki bago nila ito napapayag na bumaba.
Sinabi ni Macaraeg na tinangka ng biktima na magpakamatay dahil sa kawalan umano ng pag-asa sa mga sakit nito.
Samantala, may inilunsad na hotline para sa mga Pinoy na may tanong tungkol sa mental health, kailangan ng counseling, may kinahaharap na suliranin o nanganganib mag-suicide.
Maaaring tawagan ang National Center for Mental Health 24/7 crisis hotlines sa cellphone (0917-899-8727 o 0908-639-2672) o telepono (1553). (Mia Billones)
The post May TB binalak tumalon sa poste, nasagip first appeared on Abante Tonite.
0 Comments