Durugista bumatak sa resort timbog

Dalawang drug personality ang nadakip ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa magkahiwalay na operasyon matapos kumagat sa buy-bust ang isang drug pusher at madakip ang isang drug addict nang mahuli sa aktong humihitit ng marijuana sa resort sa bayan ng Balagtas at Malolos City, Bulacan kahapon ng madaling araw.

Sa report kay P/Col. Rommel J. Ochave, acting Provincial Director ng Bulacan PNP, nakilala ang nahuling sina Wilfredo Arevalo, ng Bocaue at Frederick Talaguit ng Malolos City na kapwa na nakakulong.

Alas-12:10 ng madaling araw kahapon nang mahuli sa akto ng security personnel ng Balagtas resort sa Barangay Borol 1st, Balagtas ang suspek na si Arevalo habang humihitit ng damo sa isang sulok ng resort.

Nasamsam sa kanya ng pulisya ang medium-size plastic ziplock na naglalaman ng damo at isang disposable lighter.

Sinailalim naman sa buy-bust operation ng SDEU ng Malolos City police si Talaguit at hindi na ito nakapalag ng kumagat sa entrapment operation at makuha sa kanyang pag-iingat ang 3 pakete ng shabu, improvised glass pipe, cellphone at buy-bust money. (Jun Borlongan)

The post Durugista bumatak sa resort timbog first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments