Mga VP bet kumain ng alikabok kay Sara

Kung ngayon idaraos ang eleksiyon, tiyak umanong wagi na sa pagka-bise presidente si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio dahil sa hindi matinag niyang posisyon bilang numero unong napipisil ng mas nakararaming Pilipino para maging ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa sa halalan sa Mayo 9, 2022.

Ayon sa survey ng Laylo Report na isang full-service at strategic research firm, patuloy na namamayagpag ang presidential daughter sa National Capital Region (NCR), Luzon, Visayas at Mindanao para sa magkasunod na buwan ng Enero at Pebrero.

Pumangalawa sa kanya si Senate President Vicente `Tito’ Sotto, pangatlo si Senador Francis `Kiko’ Pangilinan, pang-apat si Doc Willie Ong at panglima si Buhay party-list Rep. Lito Atienza.

Tatlong buwan bago idaos ang eleksiyon, pangkalahatang nakakopo si Mayor Sara ng 61% voter preference noong Enero at 60% nitong Pebrero; Sotto, 18% at 19%; Pangilinan, pawang 11% sa magkasunod na buwan; Ong, 8% noong Enero at bumagsak sa 4% nitong Pebrero; at Atienza na halos hindi umakyat sa 5% sa magkasunod na buwan.

Tulad ng inaasahan, hindi pinabayaan ng kanyang mga kababayan ang presidential daughter dahil kuha nito ang panlasa ng mga taga-Mindanao sa natanggap niyang 82% at 85% noong Enero at Pebrero.

Pinagharian din niya ang teritoryo ng Northern at Central Luzon sa nakuhang 61% noong Enero at 71% nitong Pebrero.

Napipisil din siya ng mga taga-Visayas dahil sa natanggap niyang 56% noong Enero at 46% nitong Pebrero.

Siya rin ang paboritong kandidato ng mga taga-NCR sa nakuha niyang 52% noong Enero at 51% nitong Pebrero.

Umani ng mataas na voter preference ang running mate ni dating senador Ferdinand Marcos Jr. base sa umano’y confidential result ng isinagawang survey ng Laylo Report sa hanay ng 3,000 respondent mula sa nasabing mga lugar noong Pebrero 4 hanggang 21.

Pumangalawa ang ka-tandem ni Senador Panfilo `Ping’ Lacson na si Sotto pero `di hamak na mas malaki pa rin ang agwat ng nakuhang voter preference ng anak ni Pangulong Rodrigo Duterte kaysa sa senador. (Mia Billones)

The post Mga VP bet kumain ng alikabok kay Sara first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments