Pulis, 3 pa bulagta sa sabungan

Patay ang isang pulis at tatlong suspek sa nangyaring engkuwentro sa isang sabungan sa Calatagan, Batangas noong Sabado ng gabi.

Nasawi sa barilan ang mga suspek na kinilala sa mga pangalang Joel Herjas, Rolly Herjas at Gabriel Bahia.

Sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-10:00 ng gabi nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na gumagala diumano ang mga suspek sa loob ng Calatagan cockpit arena na may dalang baril.

Sinasabing target nila ang isang Michael Comaya na kasalukuyang

konsehal sa bayan ng Lian at administrator ng naturang sabungan.

Kaya’t rumesponde ang mga pulis sa sabungan para mag-imbestiga.

Subalit pagdating ng mga pulis ay bigla na lang nagpaputok ng baril ang mga suspek at tinamaan si Patrolman Gregorio Panganiban Jr. sa dibdib.

Gumanti na rin ng putok ang mga kasamahang pulis ni Panganiban na humantong sa kamatayan ng mga suspek.

Idineklarang dead on arrival si Panganiban sa Calatagan Medicare Hospital.

Samantala, nadamay sa barilan ang mga sibilyang sina Joselito Carlum at Mayumi Dunaway na parehong nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.

Dinala sila sa parehong pagamutan upang malapatan ng lunas ang mga tinamong sugat. (Ronilo Dagos)

The post Pulis, 3 pa bulagta sa sabungan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments