Todo ngiti sa selfie, yakap: Male personality tinalakan ang mga marshal

Nagtatrabaho na ngayon ang isang kababayan nating dating ume-extra sa mga pelikula at serye sa isang hindi naman kalakihang food chain.

Maraming kuwento ang dating extra tungkol sa isang sikat na male personality na nakatrabaho nito nang matagal. Mga kuwentong hindi kagandahan na ikinukulapol nito sa pagkatao ng sikat na aktor.

Kuwento ng aming source, “Hindi lang siya ang nagkukuwento, marami silang dating nag-eekstra sa serye ng sikat na male personality na may kani-kanyang istorya.

“Naku, kapag may narinig silang papuri tungkol sa male personality, e, nagtataasan ang mga kilay nila, kumokontra ang tropa!” unang sultada ng aming impormante.

Matindi pala ang temperamento ng sikat na male personality, maigsi lang ang kanyang pasensiya, kapag meron siyang napansin na hindi maganda sa set ay agad-agad nang umiinit ang ulo niya.

Patuloy ng aming source, “Minsan kasi, e, narinig nu’ng dating extra na pinuri ng isang kasamahan niya ang male personality. Madali raw kausap, may kaibigan daw siyang nagtatrabaho sa airport na nakipag-selfie sa sikat na male personality, pinagbigyan daw niya agad!

“Biglang naalala nu’ng dating extra kung paano niya pinagalitan at pinagsalitaan ng hindi maganda ang mga marshals sa location nila. Dahil din ‘yon sa mga nakipag-selfie at yumakap pa sa male personality habang break ng production.

“Siyempre, pinagbigyan niya ang mga nagsilapit sa kanya, pero pagkatapos nu’n, e, ang mga marshals naman ang hinarap niya! Nasa may gilid lang kasi nila nu’n ang mga extra, kaya narinig nila kung paano pinagalitan nu’ng male personality ang mga marshals.

“Ang tanong ng galit na aktor, ‘Nasaan kayo? Bakit nakalapit sa akin ang mga ‘yon? Ano ang ginagawa n’yo, nakatanga lang?’ Galit na galit siya! Pero sa pakikipag-selfie niya, e, ngiting-ngiti siya, ha?

“Hindi na lang nangatwiran ang mga pinagalitan niya para wala nang maging problema, pero ang totoo, ang bilin pala sa kanila nu’ng male personality, e, dapat, five feet ang layo nila para hindi sila nakakaabala sa trabaho!

“Ganu’n ba ang mabait? Nagagalit sa mga marshals kapag may nakalalapit sa kanya para makapagpa-picture? Sa totoo lang, madiing sinabi nu’ng mga dating nag-eekstra na mahirap siyang katrabaho!

“Lahat, e, pinapansin niya sa set, mabilis siyang mairita! Maigsi ang pasensiya niya! Naku, hindi lang pala ang dila nu’ng male personality ang maigsi, pati ang temperamento niya!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming source.

Ai Ai pinagdasal si Kris

Kilalang-kilala namin ang puso ni Ai-Ai delas Alas. Hindi uso sa kanyang bokabularyo ang kaplastikan. Kung ano ang nararamdaman niya ay ‘yon ang kanyang sinasabi. Pero may kakambal na respeto ‘yon.

Madalas niyang sabihin na hindi bale nang iilan lang ang kanyang kaibigan, pero piling-pili naman, masaya na siya sa kakaunti lang.

Naging mag-BFF sila ni Kris Aquino. Isang pagkakaibigan ‘yon na mas matindi pa sa parang magkapatid na. Namuhunan ng panahon si Ai-Ai sa pagkakaibigan nila ni Kris, kinambalan niya ‘yon ng tiwala at pagmamahal, pero isang araw ay winasak ‘yon ng panahon.

Iniyakan nang matindi ni Ai-Ai ang sitwasyon, inilaglag siya ni Kris, para lang mailigtas nito ang kanyang sarili ay si Ai-Ai ang inilagay ng TV host sa sangkalan.

Fast forward tayo. Hindi maayos ang pisikal na sitwasyon ni Kris ngayon. Maraming nagdarasal para malampasan ng TV host ang matinding paghamong ito sa kanya.

Walang sinasabi sa amin si Ai-Ai, pero hindi na kailangan, alam namin sa aming puso na isa siya sa mga nagdarasal para bumuti ang kalagayan ni Kris na sa biglang tingin ay buto’t balat na lang ang itsura ngayon.

Hindi na niya kailangang i-post pa ang kanyang mensahe, hindi na rin niya kailangang ipagsigawan, sa pagkakilala namin sa Comedy Concert Queen ay ramdam naming isa siya sa mga nagdarasal ngayon para bumuti ang kalagayan ng kanyang dating BFF.

The post Todo ngiti sa selfie, yakap: Male personality tinalakan ang mga marshal first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments