COVID sumisipa sa mga Omicron variant

Posibleng galing sa mga bagong subvariant ang naitala na mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ito ang hinala ng OCTA Research Group matapos makapagtala ng bahagyang pagtaas ng mga kaso ng coronavirus sa Metro Manila.

Sa Laging Handa public briefing kahapon, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na hindi malayong galing sa mga bagong subvariant ang nakitang mga bagong kaso ng COVID at hindi epekto ng katatapos na eleksiyon dahil Pebrero pa nagsimula ang kampanya at dapat noon pa nakita ang pagtaas ng kontaminasyon.

Mahigit dalawang linggo na rin aniya ang nakalipas at ang nakikita nilang bahagyang pagtaas ay mula na sa mga bagong subvariant.

“Ang palagay namin, most likely [ay] epekto ito ng panibagong subvariant rather than iyong sa election. Bakit hindi sa election? Kasi since February naman may mga campaign rallies na tayo, may mga sorties tayo, tapos hindi naman tayo nakakita ng pagtaas ng bilang ng kaso. At ang election more than two weeks ago na eh, so itong mga nakikita nating mga uptick ng cases – maliit pa lang sa ngayon – tingin natin ay dala ito ng subvariant na mas nakahahawa kaysa doon sa dati,” ani David.

Kasalukuyan aniyang binabantayan ng OCTA Research ang epekto ng dalawang Omicron subvariant na na-detect sa bansa nitong mga nakalipas na araw, partikular ang BA2.12.1 at BA.4.

Sa tantiya ni David, posibleng umabot ng 5,000 kaso kada araw ang maitala kapag magkaroon ng panibagong COVID surge sa bansa dahil sa BA.4 subvariant. Subalit hindi naman aniya aabot ng kasing-dami ng naitala noong Enero dahil malakas na umano ang immunity ng mga tao matapos mabakunahan.

“Sa atin, ang pinakamarami nating nakita ay 40,000 noong January pero kahit magkaroon tayo ng surge sa BA.4, dahil medyo malakas po iyong wall of immunity natin kahit papaano, baka a few thousand cases lang iyong makita natin, baka nga umabot lang ng mga 5,000 at most or siguro magugulat na ako kung umabot na rin siya ng mga 10,000. Pero sa tingin ko hindi na lalampas ng mga 12,000,” dagdag ni David.

Pero maiiwasan aniya ito kung magpabakuna at magpa-booster at sundin ang mga health protocol laban sa COVID. (Aileen Taliping)

The post COVID sumisipa sa mga Omicron variant first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments