Mga Smartmatic VCM basura na – Comelec

Etsapuwera na sa susunod na eleksiyon sa Mayo 2025 ang mga vote counting machine (VCM) ng Smartmatic na technology provider ng Commission on Elections (Comelec).

Tiniyak ni Commissioner Marlon Casquejo na hanggang ngayong May 9, 2022 elections na lamang gagamitin ang mga VCM ng Smartmatic matapos ang mga insidente ng aberyang dulot ng mga palyadong makina sa idinaos na halalan nitong Lunes.

Aminado si Casquejo na luma na ang mga VCM at hihilingin nila sa Kongreso na mabigyan ang Comelec ng karagdagang pondo para sa pagbili ng mga bagong makina na gagamitin sa susunod na eleksiyon sa 2025.

Kinumpirma ng Comelec na nakatanggap sila ng ulat na 1,867 VCM ang nagkaproblema sa pagdaraos ng halalan nitong Lunes.

Ang mga inireklamong VCM ay dahil sa pagkakaroon ng paper jam na may 940 kaso, pag-reject ng mga balota na nasa 606 kaso, problema sa VCM scanner na nasa 158 kaso, ayaw mag-imprentang VCM printer na nasa 87 kaso, at VCM na hindi maayos na nag-iimprenta na nasa 76 kaso naman.

Gayunman, sinabi ni Casquejo na ang mga ito ay “minor glitch” lamang at kaagad ring naresolba.

Inaasahan din umano nila na may mga VCM ang posibleng magkaproblema sa eleksiyon nitong Lunes pero nagtalaga sila ng mga technician upang ayusin kapag nagkaroon ng aberya. Nabatid na kaagad na pinalitan ng ibang VCMs ang mga hindi naayos.

Base naman sa monitoring ng Calabarzon Police Regional Office, nakapagtala umano ng kabuuang 247 VCM na nagkaaberya sa rehiyon.

Pinakamarami sa Batangas na nakapagtala ng 91 insidente ng aberya, 61 VCM naman ang pumaloya sa Laguna, 33 sa Cavite, 31 sa Quezon at 27 sa Rizal. (Juliet de Loza-Cudia/Ronilo Dagos/Kiko Cueto)

The post Mga Smartmatic VCM basura na – Comelec first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments