2 rapist nalambat sa Batangas

Arestado ang dalawang most wanted person sa regional level sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Calaca at San Jose, Batangas kamakalawa.

Ayon sa Calaca Municipal Police Station, nasakote ang rank 8 most wanted na si Ricardo De La Torre Sr. alyas `Carding’, 60, residente ng Calaca, Batangas sa operasyon ng pinagsanib na puwersa ng pulisya dakong alas-3:10 ng hapon sa Sitio Cawong, Barangay Pantay, Calaca.

Base sa ulat, nahaharap si De la Torre sa kasong rape at may arrest warrant na inilabas ng Balayan, Batangas Regional Trial Court Branch 10 noong Mayo 30, 2022.

Nangyari umano ang krimen noong Enero 1, 2019, Pebrero 25, 2019 at Pebrero 28, 2019 sa Barangay Pantay Calaca, Batangas kung saan ginahasa ng suspek ang isang kaanak na batang babae.

Sa parehong araw, nadakma rin ang 21-anyos na binatang si Rex Harold Robles, isang helper at residente ng Barangay Balagtasin 2nd, San Jose, Batangas sa kasong rape.

Dinakip ito bandang alas-kuwatro ng hapoon sa kanyang bahay sa bisa naman ng arrest warrant na inilabas ng Batangas City Regional Trial Court Branch 4 noong Abril 22.

Ayon sa pulisya, nangyari ang panghahalay noong Pebrero 2021 sa Barangay Pinagtung-ulan, San Jose, Batangas.

Walang inirekomendang piyansa ang korte sa mga kaso laban sa dalawang suspek na parehong nasa kustodiya ngayon ng pulisya. (Ronilo Dagos)

The post 2 rapist nalambat sa Batangas first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments