Ermat, Erpat ng dyowa kinatay

Patay ang isang magsasaka at ang kinakasama nito habang sugatan ang tinedyer na anak ng ginang nang pagtatagain ang mga ito ng isang driver sa Laurel, Batangas nitong Linggo ng gabi.

Dead on the spot ang biktimang si Jovencio Magsino, 71, samantalang binawian naman ng buhay sa ospital ang ka-live in nito na si Rodela Cajila.

Sugatan ding isinugod sa ospital ang 15-anyos na anak ni Rodela.

Sa report ng Laurel police, alas-7:20 ng gabi, nasa kanilang bahay sa Barangay Molinete ang mga biktima nang dumating ang suspek na si Bonnie Abindanio, 48, tubong Tagum City, Davao Del Norte at residente na sa Brgy. Balakilong.

Bigla na lang sinugod ng suspek ang mga biktima at pinagtataga gamit ang isang itak bago mabilis na tumakas ngunit naaresto ng humabol na mga pulis sa pinagtataguan nito sa Barangay As-is.

Isinugod naman sa Dr. Ernesto Malabanan Memorial Hospital ang mag-ina na inilipat din sa Global Medical Center sa bayan ng Talisay kung saan binawian ng buhay ang ginang.

Ayon kay PMAJ Edgar Sumadsad, hepe ng Laurel police, lumalabas na may namumuo umanong relasyon sa pagitan ng dalagita at ng suspek, at niregaluhan pa ni Bonnie ng motorsiklo ang dalagita.

Nagalit aniya ang suspek nang malamang balak ilayo ng mag-asawa ang dalagita kaya isinagawa ang krimen.

Nakakulong na ang suspek sa Laurel police station at inihahanda na ang kaso laban dito. (Ronilo Dagos)

The post Ermat, Erpat ng dyowa kinatay first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments