Dumalaw sa GF, tinedyer 22 beses sinaksak

Dalawampu’t dalawang saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang ikinamatay ng isang bagets na natagpuang nakahandusay sa Small Water Impounding Project sa Brgy. Tandoc, Talugtug, Nueva Ecija noong Linggo ng umaga.

Sa ulat ni PMajor Rommel Balacuay, ang nasawi ay si Cyrus Vince Sario Antonio, 15, taga-Bgy. Tandoc, Talugtug na positibong kinilala ng ama nitong si Virgilio Espanto Antonio, 40.

Lumitaw sa imbestigasyon ni PSMS Ryan Reglos, na Sabado ng gabi, nagpaalam ang biktima na dadalaw sa kanyang nobya sa Brgy. Guiset, Guimba, Nueva Ecija, sakay ang motorsiklo nitong walang plaka.

Hindi umano nakauwi nang gabing iyon ang binatilyo at natagpuan na lang na naliligo sa sariling dugo kinaumagahan.

Naniniwala ang imbestigador na mahigit sa isa ang may kagagawan sa krimen.

“Love triangle” ang sinisilip na motibo sa krimen at meron na umanong tinutugaygayang person of interest ang mga pulis, ayon sa imbestigador. (Jojo de Guzman)

The post Dumalaw sa GF, tinedyer 22 beses sinaksak first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments