Rapist ginilitan ang 69-anyos na lola

Timbog sa tracker team ng pulisya ang isang 22-anyos na lalaki matapos patayin ang 69-anyos na lola at tinangka pang gahasain ang dalagita nitong apo sa Balagtas, Bulacan kamakailan.

Sa report ni Major Michael Udal, hepe ng Balagtas Municipal Police Station, nasa kustodiya na nila ang suspek na si Gregorio Galoy Jr. y Torres matapos makorner sa kanyang pinagtataguan sa Tanza, Navotas City.

Nakilala ang biktimang senior citizen na si Lorna Tapulado y Astaca, isang food vendor, na nasawi matapos saksakin at gilitan sa leeg ng suspek gamit ang 12 pulgadang patalim.

Isinugod naman sa ospital ang kanyang apo na 17-anyos at college student dahil sa trauma matapos tangkaing gahasain at saksakin din ng suspek.

Nangyari ang krimen noon pang Mayo 7, 2022 dakong alas-dos nang madaling araw kung saan naalimpungatan ang matanda at nagulat na lang dahil nasa loob ng kanilang bahay ang suspek.

Sinugod ng saksak ng suspek ang matanda at nilaslas pa ang leeg saka pinuntahan ang dalagita at tinangkang halayin. Subalit nanlaban at nag-iiyak ang dalagita dahilan para mataranta ang suspek kaya tumakas.

Nakahingi ng tulong ang dalagita sa mga kapitbahay kaya nadala ang mag-lola sa pagamutan ngunit nasawi rin ang matanda sanhi ng malalim na sugat sa leeg.

Nagtago ang suspek kung kaya’t bumuo ng tracker team hanggang sa matukoy ang kinaroroonan ni Galoy sa Tanza, Cavite kung saan ito namasukan.

Patong-patong na kasong murder, frustrated murder at attempred rape ang kinakaharap ngayon ng suspek. (Jun Borlongan)

The post Rapist ginilitan ang 69-anyos na lola first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments