RAV4 driver nagtatago sa sinagasaang sikyo

NO show o hindi humarap sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari ng RAV 4 na sangkot sa hit-and-run sa security guard sa Mandaluyong City.

Dahil diyan ay muling naglabas ng final show cause order ang LTO para sa may-ari ng sasakyan na si Jose Antonio San Vicente Sr, sa Biyernes, June 10. Sangkot ito sa pananagasa sa security guard na si Christian Floralde, nitong Linggo ng hapon sa intersection ng Julia Vargas kanto ng Saint Francis St. Barangay Wack-Wack, Mandaluyong City.
Pinagpapaliwanag din ang driver ng nasabing SUV kung bakit hindi ito nakadalo sa pagdinig.

Nabatid na wala ni isang representante ang humarap, maging mga abugado o kinatawan ay hindi sumipot.

“I will issue another final show cause order sa nakasagasa sa security. We are directing the respondent to appear on the 10th of June, Friday, ala-1 [ng hapon] ulit,” pahayag ni Renante Melitante, officer-in-charge ng intelligence and investigation division ng LTO.

Kung hindi ito muling magpapakita ay kukumpiskahin ang kanyang lisensya.

Kinasuhan na rin ng frustrated murder at abandonment ng Mandaluyong Police ang may-ari ng SUV.

Samantala, dumalo naman sa pagdinig ang 157 Raptor Agency Operation Manager na si Chrisbern Soriano at sinabi niyang inaasikaso muna nila ang paggaling ng kanilang tauhan.
Nabatid na nakikipag usap na umano ang suspek sa opisina ng biktima pero hindi malinaw kung nakikipag-aregalo ang kampo ng SUV driver.

Sa ngayon ay nakaratay pa rin sa intensive care unit ang biktima na hirap sa paghinga. (Kiko Cueto/Dolly Cabreza/Vick Aquino)

The post RAV4 driver nagtatago sa sinagasaang sikyo first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments