Rider bistado sa rape, carnap

Patong-patong na kasong kriminal ang kinakaharap ngayon ng isang rider matapos na masangkot ito sa aksidente nang sumemplang ang kanyang motorsiklo sa Barangay San Vicente, Sta. Maria, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Bulacan police provincial director Col. Charlie Cabradilla, nakilala ang suspek na si Mathy Cunanan, 25-anyos at taga-Gapan, Nueva Ecija.

Nagtamo ito ng maraming sugat sa kanyang ulo at katawan makaraang mawalan ng kontrol ang minamanehong motorsiklo.

Subalit bago isinugod sa pagamutan ay nadiskubre sa kanyang belt bag ang isang baril na kalibre .45 na kargado ng pitong bala at isang granada. Dahil dito, agad na beneripika sa Land Transportation Office ang motorsiklo niya na itim na Suzuki Raider.

Natuklasang nakarehistro sa isang taga-San Isidro, Nueva Ecija ang motorsiklo at nai-report na puwersahang tinangay ng dalawang armadong suspek noong madaling-araw ng Mayo 31, Martes.

Nabisto rin na may nakabinbing kaso ng rape sa Brgy. San Carlos, Lipa City, Batangas ang suspek na nangyari noon pang Hunyo 14, 2017 bukod sa isa pang kaso ng carnapping sa San Leonardo, Nueva Ecija noong Mayo 18, 2022. Nadagdagan pa ito ng paglabag sa gun ban dahil nahulihan siya ng baril sa belt bag.

Nakaratay pa ang suspek sa pagamutan ngunit bantay-sarado ito ng awtoridad dahil sa dami ng kasong kriminal. (Jun Borlongan)

The post Rider bistado sa rape, carnap first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments