3 tulak swak sa P1M shabu, boga

Mahigit P1milyong halaga ng shabu at isang 9mm na baril ang nakumpiska mula sa tatlong kilalang tulak ng ilegal na droga matapos kumagat sa buy-bust operation ng mga pulis sa Brgy. Cupang, Antipolo City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Rizal Police Provincial Office (RPPO) director Col. Dominic Baccay ang mga suspek na sina Roger Telen y Lopernes, David Angeles y Gonzales at Andrew Malbas y Bico.

Nasakote sila ng mga operatiba ng RPPO at Antipolo Police sa Purok 4, Zone 8, Brgy. Cupang bandang alas-2:15 ng hapon.

Ayon sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Baccay, nakatanggap ng impormasyon ang Provincial Intelligence Unit mula sa confidential informant na may talamak na bentahan ng ilegal na droga sa naturang lugar na pinamumunuan ng isang alyas `Roger’.

Dito na ikinasa ng mga operatiba ang buy-bust operation at positibong nasakote ang mga suspek. Nakumpiska rin sa kanila ang apat na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 160 gramo at nagkakahalaga ng P1,088,000.

Nahulihan din sila ng 9mm caliber pistol at nabawi ang P500 marked money na ginamit sa buy-bust.

Dinala ang tatlong suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa drug test saka binitbit sa Antipolo City Police Station para ikulong at kasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Vick Aquino)

The post 3 tulak swak sa P1M shabu, boga first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments