Baka nabundol, driver swak sa irigasyon

DEDO ang isang lalaki matapos bumangga sa baka ang minamanehong garong (isang uri ng tricycle) bago ito mahulog sa irigasyon sa Cauayan City, Isabela kamakalawa.

Kinilala ni Cauayan City Police Station information officer P/Lt. Escarlette Topinio ang biktima na si Juanito Serrano, 53, isang magsasaka, ng nasabing siyudad.

Base sa imbestigasyon, ayon kay Topinio, galing umano sa inuman si Serrano at lasing noong umuwi gamit ang kanyang garong.

Ayon sa pulisya, pagdating sa bahagi ng Barangay San Antonio, Cauayan City, nabundol umano ng biktima ang isang baka na nasa gilid ng kalsada at dahil sa hindi na kontrol ang manibela, bumulusok ito sa irigasyon.

Dahil umano sa nakainom ang biktima ay hindi na nagawang lumangoy dahilan para siya ay malunod.

Kumbinsido naman ang asawa ng biktima na aksidente ang nangyari dahil nakita niya ang baka na sinasabing nabangga ng kanyang mister. (Allan Bergonia)

The post Baka nabundol, driver swak sa irigasyon first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments