Bangkay ng 7 Tiktoker sa gumuhong tulay, nakalkal na

Narekober na ang bangkay ng pitong biktima na kabilang sa 13 kabataan na nahulog sa ilog matapos gumuho ang iniistambayan nilang tulay habang nagti-TikTok dito noong Martes ng gabi sa Dasmariñas City, Cavite.

Kinilala ng kanilang mga pamilya ang bangkay nina Jasper Uy, Cyrus Lagrimas, Haslen Vinas, Lester Wee, pawang 15-anyos; Wally Reneda, Angeline Villanueva, kapwa 17-anyos; at Jericho Batin, 13-an­yos, pawang mga residente ng Sitio Talisayan, Barangay Sampaloc 4, Dasmariñas City, Cavite. Magkakasunod na natagpuan ang mga bangkay sa isinagawang retrieval operation simula pasado alas-singko ng hapon noong Miyerkoles hanggang kahapon ng alas-2:15 ng hapon.

Una ng nasawi ang kasama nilang si John Michael Beltran, 17-anyos habang nagpapagaling pa sa Pagamutan ng Dasmariñas City ang lima nilang kasama.

Ayon kay Police Lt. Col. Juan Oruga Jr., Officer-in-charge ng Dasmariñas City Police, nagti-TikTok sa lugar ang mga biktima nang gumuho ang tulay bandang alas-nuwebe ng gabi.

Sinabi naman ni city administrator Ariel San Gabrie na sasagutin ng pamahalaang lungsod ng Dasmariñas ang burol at pagpapalibing sa mga biktima. (Gene Adsuara)

The post Bangkay ng 7 Tiktoker sa gumuhong tulay, nakalkal na first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments