DTI walang kontrol sa presyo ng mga school supply

Walang Suggested Retail Price (SRP) na inilabas ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa presyo ng school supplies sa harap ng ulat na nagtaas umano ng presyo sa mga gamit pang-eskuwela dahil sa nalalapit na pasukan at face-to-face classes ng mga estudyante.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na hindi basic necessity ang school supplies kaya hindi nila nirerendahan ang presyo nito.

Pero titingnan aniya ng DTI kung maglalabas sila ng SRP sa mga susunod na araw para sa mga school supply lalo na kapag tumaas ng husto ang presyo.

“Mayroon kami ng listahan ng school supplies na presyo pero hindi po naman kasi mandatory, itong sa school supplies, hindi po siya basic necessities at prime commodities kaya hindi po natin sila nire-regulate. Hindi natin ngayon nire-regulate, especially alam po natin iyong pagtaas talaga ng presyo globally ng fuel. Kasi—babalik ako sa fuel—iyon po talaga ang major reason kung bakit siya nagtataas but we’ll see in the next coming days kung ilalabas po namin ang bulletin for balik-eskwela products,” ani Castelo.

Pero sinabi ni Castelo na mayroon namang ibang mga nagbebenta ng school supplies na hindi gumalaw o nagtaas ng presyo kaya doon na muna mamili ng gamit pang-eskuwela ang mga magulang para sa kanilang mga anak. (Aileen Taliping)

The post DTI walang kontrol sa presyo ng mga school supply first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments