Kulang sa pampublikong sasakyan — survey

Kulang ang mga pampublikong sasakyan na namamasada sa lansangan at masyadong matagal ang paghihintay ng mga pasahero para makasakay sa kanilang pupuntahan.

Ito ay ayon sa survey ng The Passenger Forum (TPF), isang grupong nagsusulong ng interes ng mga pasahero na ginawa mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 17 online.

Sa datos ng survey, 79% ang nagsasabing masyadong matagal ang kanilang paghihintay para makasakay at 96% ang nagsasabing kulang ang mga pampublikong sasakyan.

Sabi ni TPF convenor Primo Morillo, 21% sa respondents ang may bisikleta o e-scooter. Nasa 12% naman ang kuntento sa kasaluku­yang waiting time.

Nasa 97% ng respondents ang gustong magkaroon ng mas maraming tren at mas maraming linya ng tren habang 88% ang gusto na nagkokonekta ang iba’t ibang uri ng sakayan at ruta.

Dagdag ng TPF, 96% ang nagsasabing makikitid at siksikan ang sidewalks at 93% ang nais na may waiting shed at iba pang infrastructure para may masisilungan ‘pag umuulan o bumabagyo.

Sabi ni Morillo, sana ay magamit ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang resulta ng survey sa bubuuing plano ng Department of Transportation. Aniya pa, nasa tamang landas si Bautista. (Eileen Mencias)

The post Kulang sa pampublikong sasakyan — survey first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments