ABS-CBN, TV5 tandem pinasilip sa monopolyo

Kinalampag kahapon ni SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta ang Philippine Competition Commission (PCC) at ang National Telecommunications Commission (NTC) para imbestigahan ang napaulat na joint venture ng ABS-CBN at TV5.

Sinabi ng mambabatas sa panayam ng Radyo Pilipinas nitong Miyerkoles na dapat lamang silipin ang joint venture transaction ng ABS-CBN at TV5 para malaman kung may posibleng paglabag ito sa anti-trust law ng bansa.

“Ang nakikita ko parang (circumvention) ng batas `yong gagawin nila na madaliang joint venture between ABS-CBN and TV5,” ani Marcoleta.

Kailangan aniyang imbestigahan ang kasunduan para mapigilan na magkaroon ng monopolyo sa market power na maaaring makabawas sa kompetisyon at makakasama sa mga konsyumer.

“TV 5 malaki `yan, pagkatapos ABS-CBN, mamo-monopolize ang industry dito. Wala bang say dito ang Philippine Competition Commission? Hindi naman ganun, kaya nga tayo naglatag ng ganitong agency para tingnan ang lahat ng kapakanan ng mga apektadong sektor. Magiging monopoly ito kung tutuusin mo `diba?” sabi ni Marcoleta.

Matatandaang ibinunyag ni Manuel V. Pangilinan na nasa “closing stages” na aniya ang transaksiyon para sa joint venture ng ABS-CBN at TV5.

“We have been having discussions with them for over a year. But it is fair to characterize it as we’re in the closing stages,” ani Pangilinan.

Ayon kay Pangilinan, 65% ang magiging pag-aari ng TV5 sa joint venture habang 35% naman ang mapupunta sa ABS-CBN.

Samantala, binigyang-diin pa ni Marcoleta na dapat imbestigahan din ng NTC ang posibleng paglabag ng ABS-CBN sa prangkisa nito at patawan ng administrative fines sakaling malaman na mayroong sablay.

Giit pa ng kongresista na puwede namang magsagawa ng kusang imbestigasyon o motu proprio probe ang NTC.

“Sa totoo n’yan mayroon akong resolution na `di palang nabibigyan ng panahon, kwinenta ko nga `yong value ng administrative fine na sa akin talaga ay dapat lamang na singilin. `Yon na nga base na rin sa mga napatunayang mga paglabag. Sana ang NTC ay `wag naman magpakatahimik sa isyu na ito,” giit ni Marcoleta.

Una nang ibinasura ng Kongreso ang pagkakaloob ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN bago pa expiration date nito noong Mayo 4, 2020. (Billy Begas)

The post ABS-CBN, TV5 tandem pinasilip sa monopolyo first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments