Abusadong ambassador yari kay Robin

Isinulng ni Senador Robin Padilla ang pagpataw ng matinding parusa laban sa mga ambassador at iba pang overseas personnel ng Pilipinas na mang-aabuso sa mga overseas Filipino worker (OFW) lalo na kung ginawa ito sa mga shelter.

“Sana po magkaroon tayo talaga ng ngipin sa mga ganitong pangyayari. Ang hirap tanggapin talaga. Nahirapan akong tanggapin – ambassador ka, ikaw ang tatay sa lugar na `yan. Tapos ikaw ang unang-una nasa shelter pa ang tao?” sabi ni Padilla sa sa pagdinig ng Senate committee on migrant workers.

Ayon sa senador, hindi na dapat maulit ang kaso ng sexual harassment na sangkot ang isang ambassador sa Kuwait, 10 taon na ang nakaraan.

Sa nasabing pagdinig, ibinunyag ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople na ang ambassador na ito ay hindi nasampahan ng kasong kriminal at nakaretiro na.

Tinulungan ni Ople ang nabiktimang kasambahay noong nang nasa non-government organization pa siya ng panahong iyon.

Sabi ni Ople, noong nakaraang buwan lang niya nakuha ang desisyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pagbayarin ng multa ang ambassador. Dahil dito, ipinunto niya na kailangan ng anti-sexual harassment law na makasama ang mga diplomat.

“Kung buhay pa ang kaso baka pupuwedeng habulin pa po natin,” ayon naman kay Padilla.

Tugon naman ni Sen. Raffy Tulfo, chairman ng komite, na maaari itong gawin kung pasok pa ang kaso sa statute of limitations. (Dindo Matining)

The post Abusadong ambassador yari kay Robin first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments