Magpapatupad ng counselling ang Department of Education (DepEd) para sa mga guro, non-teaching personnel at mga estudyante na hindi bakunado.
Sinabi ni DepEd Spokesman Atty. Michael Poa na layon nito na mahikayat ang mga hindi bakunado na magpaturok ng COVID vaccine para sa kanilang proteksiyon laban sa COVID-19.
Nananatili pa rin aniya ang banta ng COVID-19 kaya mahalagang magpabakuna para mayroong proteksiyon ang mga mag-aaral at mga guro.
“The idea is to have regular counseling sessions to, well, finally encourage and convince the unvaccinated to get vaccinated. Kasi ang problema rin natin ngayon is of course, iba iyong religious beliefs, iba po iyon. Pero iyong karamihan kasi, takot lang din sa mga naririnig nila tungkol sa vaccines. So, counseling is targeted towards that na ma-convince po sila, that it’s safe to get vaccinated and hopefully they decide to get vaccinated,” ani Poa.
Hihingi aniya ang DepEd ng tulong sa Department of Health (DOH) para sa gagawing counselling at kasabay nito ang mobile vaccination para sa mga mahihikayat na tumanggap ng bakuna.
Magiging nationwide aniya ang counselling at mobile vaccination kaya inaasikaso na nila ito para mailarga sa lalong madaling panahon.
“DepEd will coordinate with the Department of Health at sila po iyong magro-roll out. Kumbaga hihingi po kami ng tulong sa Department of Health, para po doon sa pagkatapos nating mag-counseling – kasi gusto nating regular iyong counseling doon sa mga unvaccinated, hinihikayat po talaga natin na magpa-vaccinate – once, pumayag po sila, we will ask help from the DOH para po mag-rollout tayo ng mobile vaccination para sa kanilang convenience rin,” dagdag ni Poa.
Tuloy-tuloy aniya ang pakikipag-ugnayan nila sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno pati na rin sa mga lokal na pamahalaan para masigurado ang ligtas na pagbabalik-eskuwela ng mga estudyante. (Aileen Taliping)
The post Ayaw pabakunang guro, estudyante idadaan sa counselling first appeared on Abante Tonite.
0 Comments