Bagong yugto ni Ping ang farming

Kahit na hindi siya kabilang sa mga kasalukuyang miyembro ng Kongreso ay binabantayan ko pa rin sa pamamagitan ng social media ang mga aktibidad ni dating Senador Ping Lacson.

Alam niyo ba kung bakit?

Napukaw kasi ang aking interes nang kanyang isiwalat na ngayong wala siya sa pagsisilbi sa taumbayan ay tila mas lumalim pa ang kanyang dedikasyon sa paghanap ng solusyon sa mga problemang kinakaharap ng karamihan sa atin.

Ito ay ang kagutuman na nararanasan sa bansa sa ngayon at ang mas matindi pang pagkagutom na nagbabadya sa mga darating na panahon.

Bakit kan’yo lumalim ang kanyang dedikasyon?

Ito ay dahil mula sa dating paglikha ng mga panukalang batas para mapahusay ang ating mga teknolohiya at na magreresulta sa magandang produksiyon ng agrikultura, ngayon ay direkta na siyang ugnay sa produksiyon at masasabing isa nang ganap na magsasaka.

Nag-umpisa lamang po ang aking kaalaman tungkol sa kanyang pagkakahilig sa pagsasaka nang mabasa ko ang mga posts niya sa Twitter at maging ng kanyang mga official social media accounts sa iba’t ibang platform tungkol sa pagtatanim niya ng mga gulay na nasa kantang Bahay Kubo sa kanyang farm.

Nagkaroon din po ako ang pagkakataon na makita mismo ang mga pananim ni Sen. Ping at talaga namang ako ay napahanga kung paano niya naalagaan ang mga pananim.

Ako po ay anak ng dating Municipal Agricultural Officer ng Sta. Maria, Romblon kung kaya’t alam kong hindi biro mag-alaga ng mga pananim para mapayabong at mapabunga ng masagana ang mga ito, katulad lamang ng sili, kamatis, patola at iba pang tanim na naroon sa farm ni Sen Ping.

Pero sa mga update po mismo mula sa kanyang Twitter account ay lalo akong nakumbinsi na talagang desidido na siyang mapalawak pa ang serbisyong pang-agrikultura lalo na nang makita ko ang larawang siya at si dating Agriculture Secretary Manny Pinol ay nasa gitna na malawak na lupain na berdeng berde ang mga pananim.

Pinasok na po nila ang sorghum farming at sa inisyal na pag-usad ay nasa 3 libong ektaryang lupain ang kanilang nilang nilinang katulong ang isang kooperatiba upang maumpisahan na ang produksiyon.

Hindi po direktang pagkain para sa tao ang pananim nila ngayon pero napakarami po ang nabigyan nito ng empleyo na magreresulta sa mas mataas na tsansa para makapili at makabili ng sarili nilang pagkain.

Sa ganitong mga gawain talagang makikitang nasa gobyerno man o wala ay hindi maalis kay Senador Lacson ang paghanap ng solusyon sa mga problemang kinakaharap ng sambayanan.

Saludo ako at ang maraming mamamayan sa inyo Sir!

The post Bagong yugto ni Ping ang farming first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments