Pag-aaralan ng Malacañang kung ano ang gagawin sa isyu ng pagkakaroon ng umano’y dalawang pinuno ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) matapos tumangging bumaba sa puwesto si Director General Charito Plaza kahit mayroon ng bagong itinalaga sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na ngayon lamang nakarating sa kanila ang impormasyon kaya pag-aaralan kung ano ang dapat gawin sa isyu.
Maglalabas aniya ng rekomendasyon ang Palasyo sa sandaling mapag-aralan ito ng legal department ng Malacañang para magkaroon ng kasagutan sa isyu.
“Since bago nga po iyong development, most likely, once it has reached the Office of the President or the Executive Secretary, it will be submitted with the studies and recommendations. It will be subjected to the usual procedures. Once received, the Office of the Executive Secretary will immediately act on it, either by studying the matter and referring it to Deputy Legal; or if the answer is clear already, then they will simply make the recommendations right away,” ani Angeles.
Nauna rito, inihayag ni Plaza na hindi niya kikilalanin ang itinalagang Officer-in-Charge ng PEZA na si Tereso Panga dahil hindi kasama sa kategorya ng government-owned and controlled corporation (GOCC) ang PEZA kaya hindi ito saklaw ng Memorandum Circular 1 at MC 2 na inilabas ng Malacañang.
Pero iginiit ni Angeles na sa ilalim ng Marcos administration, ang MC1 at MC3 ang mananaig.
Si Plaza ay apppointee ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. (Aileen Taliping)
The post ‘Bata’ ni Duterte ayaw lumayas sa PEZA first appeared on Abante Tonite.
0 Comments