Sinibak sa puwesto at sinampahan ng kasong kriminal ang isang opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) matapos masangkot ang kanyang sasakyan sa insidente ng hit-and-run na ikinasawi ng isang tricycle driver at ikinasugat ng pasahero nito kamakailan.
Ayon kay bagong QCPD Director, PBGEN Nicolas D Torre III, sinibak na sa puwesto si PLt. Col. Mark Julio Abong bilang hepe ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at inilipat sa District Personnel Holding and Accounting Section habang iniimbestigahan ang kanyang kaso. Magsisilbi namang Officer-In-Charge (OIC) ng CIDU si PMAJ Sheryl Bautista.
Aminado si Abong na siya ang may-ari ng itim na Ford Ranger [NCG-8456] na nasangkot sa hit-and-run incident pero hindi naman siya ang nagmamaneho nito nang maganap ang insidente.
Itinuro ni Abong ang isang Ronald Centino na nagmamantine ng kanyang sasakyan at walang pahintulot umano na gumamit ng kotse.
Gayunman, sinampahan pa rin ng QCPD ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury at damage to property sina Centino at Abong sa piskalya. (Dolly Cabreza)
The post Colonel sa hit-and-run sinibak, kinasuhan first appeared on Abante Tonite.
0 Comments