‘Di lang dagok sa mga Chinese

Bulabog tayo sa mga kasong kinasasangkutan ng ilang tauhan ng illegal online gaming sa bansa.

Karamihan sa biktima rito ay mga dayuhan, partikular ang mga Chinese.

Pero hindi ba’t base sa mga ikinasang imbestigasyon ay iligal ang operasyon ng mga online gaming na nasasangkot sa iba’t ibang krimen partikular sa kidnapping.

Dahil dito hindi ba’t dapat ang aspetong ito ang tutukan ng mga kinauukulan? Ang habulin ang sindikato sa likod ng online gaming at hindi ang buong Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) ang pag-initan?

Unang-una may 90,000 kababayan tayong tatamaan sakaling magpadalos-dalos ang ating mga mambabatas na palayasin ang POGO.

Ang nasabing numero ng empleyo ay direktang apektado sakaling ilarga ang total ban sa lahat ng POGO. Hindi pa kasama dito ang libo-libong trabaho sa iba’t ibang industriya na tatamaan din kung tuluyang mahihinto ang POGO.

Sa madaling salita, domino effect ang mangyayari. Dahil maging ang mga broker ng condominium sales and rentals, halimbawa, o iyong mga kasambahay o helper na nag-aasikaso sa mga foreign POGO worker o iyong mga driver na naghahatid-sundo sa mga ito ay nganganga.

Sakaling maging agresibo ang mga mambabatas na itulak ang total ban aba’y para lang nilang pinatay ang pamilya ng mga umaasa sa POGO.

Mabuti sana kung maraming trabahong papasukan sa ating bansa pero wala rin dahil hindi pa matapos-tapos ang pandemya ay patuloy rin ang pagtaas sa presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin dahil na rin sa tumitinding inflation at lumalalang foreign exchange.

Ngayon mga sir, mam gugustuhin ba natin na mangyari ito sa mga kapwa natin Pilipino?

Sana makita ng maraming mambabatas ang positibong epektong idudulot sa bansa ng POGO, katulad ng nakikita ng kinikilalang ekonomista at kasalukuyang chairman ng House Ways and Means Committee na si Albay Rep. Joey Salceda na hayagan ang pagtutol na mawala ang POGO.

Sinabi ni Cong na lalo lang magiging masalimuot ang mga problemang panlipunan kapag tuluyang inihinto ng pamahalaan ang POGO.

Para kay Cong Joey, mas mainam na tutukan ng gobyerno ang pagpapatupad ng mahigpit na regulasyon sa buong POGO industry kaysa paalisin ang mga ito.

Sang-ayon tayo sa punto ng mambabatas, dahil hindi rin magiging maganda ito para sa imahe ng bagong Marcos administration kung madaragdagan pa ang mga tambay na Pilipino lalo’t nananatiling mataas ang pinakahuling unemployment rate sa 5.2%

The post ‘Di lang dagok sa mga Chinese first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments