Tanggal face mask inawat ng mga doktor

Tutol ang grupo ng mga doktor sa optional na paggamit ng face mask dahil patuloy pa rin ang banta ng COVID-19 sa bansa.

Ito ang inihayag ni Dr. Benito Atienza, vice president ng Philippine Federation of Professional Association, bilang reaksiyon sa polisiya ng pamahalaangt lokal ng Cebu City na hindi na sapilitan ang paggamit ng face mask kapag nasa labas o outdoor areas.

“Tayo ay nasa national emergency situation pa rin. At sinasabi nga natin, ang mask ay isang proteksiyon laban sa pagkakahawa natin sa COVID-19; hindi lang po sa COVID-19, sa panahon din po ngayon, ang daming may ubo, may sipon at saka may pneumonia. Ito po ay isang pananggalang po natin para sa mga sakit na nag-i-increase ngayon. At hindi po naman natin maisantabi lang na ang COVID-19 po ay nandiyan pa rin at banta pa rin sa ating kalusugan,” sabi ni Atienza.

Binanggit pa ni Atienza ang isang kaibigan niyang infectious diseases expert na nagsabi aniya na hindi pa rin dapat tanggalin ang face mask dahil marami pa rin ang hindi nagpapabakuna na madaling mahawaan ng COVID-19.

“At ang sinasabi po ng expert, isang infectious disease specialist natin dito sa Pilipinas, isang pediatric infectious disease, siya, sinabi niyang hindi pa rin talaga natin dapat tanggalin ang mask kasi marami pa rin sa ating mga kababayan, 25% pa rin ang hindi nagpapabakuna; iyong matatanda natin, eh baka naman sila ay mahawa. At sinasabi natin, kahit nga tayong may bakuna ay dapat naka-mask pa rin tayo kasi, para hindi tayo makahawa at mahawaan. Kaya dapat po ay ipagpatuloy po natin,” ayon kay Atienza.

PBBM pinagsasalita sa isyu

Ipinahayag naman ng isang isang health expert na dapat magsalita na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isyu ng paggamit ng face mask para mahikayat ang publiko na naniniwalang hindi na nila kailangan pang magsuot nito.

Sa panayam sa programang `The Chiefs’ ng One News noong Biyernes, sinabi ni Dr. Maricar Limpin ng Philippine College of Physicians na kapag nagsalita ang pangulo ay magbibigay ito ng mabigat na mensahe sa lahat ng lokal na pamahalaan na nagpaplanong luwagan ang polisiya sa face mask.

“Since we really do not have a designated Secretary of Health yet, I think it is best na mayroong statement coming from the President na ‘wag muna nating alisin `yong facemask,” sabi ni Limpin.

Alam naman aniya ng pangulo ang kahalagahan ng pagbibigay ng proteksyon sa sarili laban sa COVID-19 dahil dalawang beses na rin itong tinamaan ng virus.

“I think from his own experience— although mainly ang experience niya sa COVID-19 mild lang — pero does not necessarily… it only shows na kailangan patuloy pa tayong magsuot ng face mask,” dagdag pa ni Limpin. (Aileen Taliping)

The post Tanggal face mask inawat ng mga doktor first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments