Tanod binoga habang nakatalikod

Patay ang isang barangay tanod nang patraydor itong barilin ng riding in tandem habang nakatalikod ang biktima kahapon ng madaling araw sa Sampaloc, Maynila.

Kinilala ni PSSg John Kevin Zuñiga, imbestigador ng Manila Police District-homicide section, ang biktimang si Dennis Canlas, 51, barangay tanod at suma-sideline na tricycle driver, taga-1548 Algeciras St. Sampaloc, Maynila.

Sa imbestigasyon, naganap ang insidente alas-tres ng madaling araw sa panulukan ng Simoun at Cristobal St. Sampaloc, Maynila habang naka-duty ang biktima sa pagtatanod.

Nakaupo ito nang dumating ang mga suspek na naka-helmet, jacket, pantalon at kapwa naka-facemask at agad na pinagbabaril ang biktima habang nakatalikod.

Tinamaan ng bala ang biktima sa likurang bahagi ng ulo na ikinasawi nito.

Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang posibleng motibo ng krimen. (Juliet de Loza-Cudia)

The post Tanod binoga habang nakatalikod first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments