Vlogger, Timbog sa Scam

Isang social media influencer o vlogger at kasabwat nito ang dinakip ng mga elemento ng PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), Eastern District Anti-Cybercrime Team (EDACT) hinggil sa online scam sa Caloocan City.

Ayon sa report, nangyari ito noong September 6, 2022 sa Mary Homes, Caloocan City matapos ireklamo ng biniktima nilang isang businessman hinggil sa kanilang panggagantso sa online selling ng mga computers at computer parts.

Sa imbestigasyon, nagkakilala ang biktima at suspek sa Facebook kung saan nag-message ang suspek at bumili ng computer keyboard gamit ang totoong FB account nito na may pangalang Greco Jose Gonzalo.

Nitong September 1, 2022, ay muli umanong kinontak ng suspek ang biktima para bumili naman ng computer monitor at iba pang computer items sa halagang P4,110 at tatlong items na P3K ang halaga.

Kasunod noon ay gumamit ng ibang FB account ang suspek na Echo Lim.

Nagpadala rin ito ng screenshots ng online banking receipts sa biktima na pruweba na nagbayad na ito.

Kinabukasan ay muli itong kumuha ng aabot sa P9,930 halaga ng parts at P11,100 na halaga ng solid-state drive at mother board. Gaya ng una, ipinakita din nito ang screenshots ng bayad.

Nang magtungo sa bangko noong Set. 3 ang biktima para alamin kung pumasok ang bayad ay negatibo ito.

Nadiskubreng iisa ang bank transaction receipts nina Greco at Echo Lim na pareho ang account number.

Noong Sept. 6, bumili ulit si Echo Lim ng computer set na P46K ang halaga.

Dito na nagsumbong ang biktima kaya isinagawa ang entrapment operation.

Idineliber ang computer set at kinuha ni Virgilio Agito na ikinaaresto nito. Pero giit ni Virgilio, wala siyang kinalaman sa nasabing raket at kinuha lang niya ito para sa kaibigan.

Naaresto naman si Echo Lim nang kuhanin ang package mula kay Virgilio sa pamamagitan ng courier.

Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa swindling/Estafa.

“As Christmas is fast approaching, more and more people are falling victim to online scams. Again, ACG would like to remind the public to be vigilant and cautious especially when making online transaction,” paalala ni PBGen. Joel Doria ng PNP-ACG. (Kiko Cueto)

The post Vlogger, Timbog sa Scam first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments