3 bata nilamon ng apoy

Nalitson nang buhay ang tatlong batang magpipinsan nang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Quezon City, Miyerkules ng gabi.

Ang mga biktima ay kinilalang sina Ezail Ragindin, 11; Elise Ragindin, 7; at Nick Ragindin, 5, pawang taga-Father Martinez St., Brgy. Obrero, QC.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP)-National Capital Region (NCR), alas-11:57 ng gabi (September 7) nang sumiklab ang sunog sa South 17 Father Martinez St., Brgy. Obrero, na pagma-may-ari ng isang Marites Ragindin, 57.
Mahimbing umanong natutulog ang mga residente nang sumiklab ang sunog kaya nagkanya-kanyang pulasan at halos wala ng naisalbang gamit.
Ayon kay QC-BFP Station 4 commander, Fire Senior Insp. Jose Felipe Arreza, nang makita ng lola ng mga biktima ang apoy ay agad niyang binitbit ang dalawang apo. Gayunman, nahulog ang lola mula sa ikatlong palapag at naiwanan ang mga bata.

Nawalan rin umano ng malay ang lola at nagtamo ng mga sugat at paso sa katawan.

Sa pahayag naman ni Kathleen Ragindin, ina ng isa sa mga biktima, sumalubong na sa kanila ang usok at apoy kaya hindi na nito nailigtas ang anak, at dalawang pinsan nito.
Ayon sa mga awtoridad, sunog na sunog na ang mga bangkay ng mga bata nang marekober.

Nabatid na nasa 27 tahanan na pawang gawa sa light materials ang tinupok ng apoy at nasa 81 pamilya ang naapektuhan. Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy. (Dolly B. Cabreza)

The post 3 bata nilamon ng apoy first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments