2 Pulis, timbog sa hulidap

Arestado ang dalawang pulis at dalawa pang kasabwat na sibilyan matapos nilang kotongan ang isang babaeng residente ng Cainta, Rizal na inakusahan nila sa illegal drugs sa isinagawang operasyon ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) Lunes ng gabi.

Kinilala ni IMEG Director Brig. Gen. Warren de Leon, ang mga suspek na sina Police Sr. Master Sgt. Michael Rosete Familara, 47, desk officer ng Sub station 7 ng Pasig City Police Station, at Police Corporal Nathaniel Buenaventura, 30, beat patroller at nakatalaga din sa nasabing istasyon.

Ayon kay de leon, nadakip ang dalawang pulis at sibilyan na sina Juan Carlo Zapanta at Carl Anito alas-nuwebe ng gabi nitong Lunes sa bahay ng biktima sa Cainta, Rizal.

Nauna dito, dinakip ng mga suspek ang biktima alas-onse ng gabi nitong Oktubre 18 at puwersahang pinasok ang bahay nito sa Cainta, Rizal at akusahan itong nagtutulak ng iligal na droga.

Kinuha ng mga suspek ang P10,000 cash at alkansya ng biktima bago ito isakay sa patrol car at dalhin sa harapan ng Pasig City police subalit hindi ito ibinaba ng presinto.

Ayon kay de Leon, base sa salaysay ng biktima, hinihingan umano siya ng mga suspek ng P100K

kapalit ng kanyang kalayaan hanggang sa bumaba sa P10,000 ang usapan.

Oktubre 19 nang magpadala ang biktima sa GCash account ng isa sa mga suspek kaya ibinalik ito sa kanilang bahay sa Cainta, Rizal at sinabihan na agad ipadala ang kakulangang P4,000.

Mayat-maya umano ay kinokontak ang biktima kung kailan ipapadala ang kulang at sa takot ay napilitan itong humingi ng tulong sa kapatid at isiwalat ang sinapit.

Humingi ng tulong ang magkapatid sa IMEG dahilan upang ikasa ang entrapment operation laban sa mga suspek.

Matapos na tanggapin ng mga suspek ang halagang P4,000 entrapment money ay agad silang dinakip.

Himas rehas ngayon ang apat sa IMEG detention cell at nahaharap sa kasong kriminal at administratibo. (Edwin Balasa/Vick Aquino)

The post 2 Pulis, timbog sa hulidap first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments