Bebot nilimas ng holdap gang sa MRT

Arestado ang tatlong lalaki at isang babae matapos mangholdap sa Metro Rail Transit (MRT) Line 3 sa Centris, Quezon City nitong Miyekoles ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Jennie Rose Tubia, isang accountant at residente ng Quezon City.

Ayon kay Tubia, galing siya sa kanyang trabaho at papuntang Araneta Avenue ngunit ng makababa ng MRT, agad siyang hinarang ng isang lalaki at tinutukan ng sumpak.

Tinangka pa umanong tumakas ng biktima ngunit nakorner siya ng tatlo pang kasamahan ng unang suspek.

Aniya, unang beses itong nangyari sa kanya kaya nakaramdam siya ng malaking takot at nagkaroon ng trauma.

Nagpunta ang biktima sa istasyon ng pulisya at inireklamo ang nangyaring panghoholdap sa kanya

Nagsagawa naman ng follow-up operation ang pulisya at sa tulong ng GPS tracker sa iPhone ng biktima ay natunton ang kinaroroonan ng mga suspek sa Mangga St., Brgy. Bagong Pag-asa sa Quezon City.

Kinilala ang mga suspek na sina Sander Supi Soriano, 19, porter; Jubair Boloto Dicatanongan, 23, binata, pedicab driver; Mary Rose Ann Dagui Ocampo, 21, dalaga, walang trabaho; at Marmar Beraña Abuan, 27, vendor, pawang nakatira sa Brgy. Bagong Pag-asa.

Narekober mula sa mga suspek ang bag ng biktima na may laman na isang laptop at iPhone na nagkakahalaga ng tig-P30,000, Nabawi rin ang mga alahas ng biktima na 18k gold necklace at bracelet, at P10,000 cash.

Nakumpiska rin sa mga suspek ang sumpak na ipinangtutok sa biktima.

Iniimbestigahan pa kung may dati nang kaso ang mga suspek. Nahaharap sila sa kasong robbery at snatching. (Kim Mangunay/Dolly Cabreza)

The post Bebot nilimas ng holdap gang sa MRT first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments