Nag-trending ang #NasaanAngPangulo nitong Linggo matapos kumalat ang ulat na lumipad pa-Singapore si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para manood ng F1 Grand Prix (GP).
Ayon sa report ng Bilyonaryo.com, dumating sa oras ang Ferrari fanatic na pangulo para sa Singapore Grand Prix (GP) final practice noong Sabado, Oktubre 1.
Agad umanong dinala ang pangulo at kanyang grupo sa Marina Bay circuit. Kasama ng pangulo ang anak na si Ilocos Sur Rep. Sandro Marcos.
Nasa F1 Paddock Club umano si Marcos at ang kanyang mga kasama para sa full GP experience, dalawang araw na access ticket na nagkakahalaga ng $8,000 bawat isa.
Inaasahan umanong aalis ng Singapore ang grupo ng pangulo nitong Linggo ng gabi matapos ang karera.
Samantala, tikom ang Malacañang sa ulat na bumiyahe si Pangulong Marcos sa Singapore nitong weekend para manood ng F1 Grand Prix.
Ito’y sa kabila ng makailang ulit na pagtatanong ng mga mamamahayag sa Office of the Press Secretary para kumpirmahin ang biyahe ng pangulo sa Singapore.
Biyernes pa lamang ay tinanong na sa Malacañang ang tungkol sa biyahe ng pangulo sa Singapore subalit walang natanggap na tugon ang mga mamamahayag mula sa mga opisyal ng Malacanang.
Kumalat naman sa social media nitong Linggo ang ilang larawan ng pangulo sa Singapore kung saan ginanap ang dalawang araw na event. (Issa Santiago/Aileen Taliping)
The post PBBM nanood ng F1 race sa Singapore first appeared on Abante Tonite.
0 Comments