Agri group: Mga pork importer lang tumitiba sa bawas taripa

Mga trader at importer lamang ang nakinabang sa pagbaba ng taripa sa baboy dahil hindi naman bumaba ang presyo nito para sa mga konsyumer.

Sa pagdinig ng Tariff Commission kahapon, pinamukha ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na hindi bumaba ang presyo ng baboy simula ng babaan ang taripa nito noong Marso 2021 hanggang ngayon.

Base sa datos ng Department of Agriculture, nasa P340 hanggang P370 pa rin ang isang kilo ng baboy noong Oktubre, mas mataas ito kaysa sa P340 hanggang P360 per kilo noong Marso 2021 nang unang ipatupad ang pagbababa ng taripa.

Dagdag pa ni SINAG Executive Director Jayson Cainglet, hindi totoong may kakulangan sa suplay ng baboy dahil bumababa ang presyo sa farmgate pero hindi naman bumaba ang halaga nito para sa mga konsyumer.

Aniya, mataas pa rin ang presyo ng baboy pero dumadami naman ng dumadami ang imported pork na nasa cold storage sa bansa.

Sabi naman ni Roland Tambago ng Pork Producers Federation of the Philippines, mali ang datos ng Foundation for Economic Freedom (FEF) na may shortage ng baboy ngayon.

Aniya, ginamit ng FEF na basehan ang sarili nitong tantiya sa dami ng baboy na kakainin ng bawat Pinoy gayung marami na nga ang hindi bumibili nito dahil nagtitipid.

Kung talagang may kakulangan ng baboy, hindi na aniya dapat dodoble ang presyo ng baboy sa retail mula sa farmgate. (Eileen Mencias)

The post Agri group: Mga pork importer lang tumitiba sa bawas taripa first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments