Escort service talamak pa sa airport – Hontiveros

Ibinunyag ni Senador Risa Hontiveros ang isang bagong modus para mapabilis ang human trafficking ng mga Pinoy sa Myanmar ng mga indibidwal na may koneksiyon umano sa mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) o airport terminal personnel.

Sa pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations, and gender equality, iniharap ni Hontiveros ang isang alyas `Paulo’ na ilegal na nagtrabaho umano sa isang telemarketing company sa Mao Sot, Thailand. Kalaunan, nalaman niyang trabaho sa crypto-scamming sa Myanmar ang kanya palang napasukan.

Kuwento ni Paulo, ang kanyang recruiter na isang Laisa Magallanes ay sinabihan siyang may `escort’ na tutulong sa kanya sa Immigration para mabilis na makaalis sa Pilipinas. Ang P30,000 gagastusin sa nasabing serbisyo ay ibabawas umano sa kanyang suweldo.

“Kahit hindi dumadaan ng immigration counter, natatakan ang passport ni Paulo ng official exit stamp ng BI. May umasikaso sa kanya sa airport, hindi siya pinapila sa immigration, at binigyan siya ng pekeng ID ng WHSmith, isang tindahan sa NAIA Terminal 3, para magpanggap siyang empleyado. Biglang natakot si Paulo sa prosesong pinapatahak sa kanya, kaya’t sinabihan niya ang recruiter na `di na siya tutuloy,” paliwanag ni Hontiveros.

Sabi ni Hontiveros, hindi katanggap-tanggap na matapos ang lahat ng pagdinig ng Senado sa human trafficking – mula sa `pastillas’ scam hanggang sa pagdala ng mga menor de edad sa Syria – marami pa rin ang mga walang takot na gumagawa ng ganitong uri ng krimen.

“Bakit kaya ang lakas ng loob ng mga illegal recruiter at ng mga tila kasabwat na immigration o airport officials? May protektor ba sila? Kasama pa ba dito ang original `pastillas’ gang? I want to know if these are the same players or if this is a new syndicate with a new game. Bakit wala silang kadala-dala?” tanong ni Hontiveros. (Dindo Matining)

The post Escort service talamak pa sa airport – Hontiveros first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments