Itinulak ni Senador Raffy Tulfo na i-decriminalize ang kasong libel partikular sa hanay ng media subalit hindi kasama rito ang mga vlogger na nagpapakalat diumano ng fake news.
Ayon kay Tulfo, dapat lamang na kasuhan ng cyber libel ang mga vlogger na walang ginawa kundi manira ng tao.
Inihayag ito ng senador sa pagdinig ng Senate committee on public information and mass media sa resolusyon hinggil sa paglaganap ng fake news sa bansa.
Ayon kay Tulfo, naging campaign promise niya ang decriminalization ng libel pero inabisuhan siya ng kanyang legislative team na masasakop din ng panukalang batas ang mga vlogger.
Sa kabila nito, itutulak pa rin ng senador ang panukala pero etsapuwera aniya ang mga vlogger.
“I will still go for decriminalizing libel pero siguro on certain groups. ‘Pag sa mga traditional media, ‘yung mga may accountability, halimbawa isang dyaryo, Abante mayroon naman po diyang tinatawag na desk editor, chief editor na nagsasala,” paliwanag ni Tulfo.
Sabi ng senador, sa nakalipas na taon ay maraming nagkukunwaring journalist ang nagbubukas ng kanilang account online para lamang banatan ang mga politiko upang kikilan ang mga ito.
“Maraming nangyayari diyan ngayon sa social media, mga attack and collect. Magpapanggap na isang journalist, walang ginawa maghapon magdamag, tumira nang tumira ng mga politiko hanggang ‘yung politikong tinitira niya gumib-up dahil ayaw nang magpatuloy ‘yung masakit na kasinungalingan, magbibigay ng pera sa kanya o kanino man,” ayon kay Tulfo.
“So, these people should be exempted dito sa decriminalizing libel. Sila ay dapat kasuhan pa rin ng libel na makulong pero ‘yung mga traditional media, ayoko, I mean dahil sa kanila dapat ma-decriminalize ang libel,” wika pa ng senador.
The post Raffy Tulfo dinurog mga vlogger first appeared on Abante Tonite.
0 Comments