Shabu nilulusot sa fast food takeout

Nag-level up na ang mga tulak sa kanilang diskarte kung paanong idideliber ang ilegal na droga na hindi lahat ng sangkot sa kanilang sindikato ay masasakote sa buy-bust, ayon sa isang narcotics agent ng National Bureau of Investigation (NBI).

Base sa ulat, isang tulak ang naaresto pero nakatakas naman ang dalawa niyang kasamahan sa buy-bust operation na ikinasa ng NBI Anti-Illegal Drugs Task Force noong Martes ng hapon.

Kinilala ang nasakoteng suspek na si Salema Baculare, 30-anyos at vendor sa Pasay City.

Nasamsam sa kanya ang nasa 300 gramo ng shabu na may street value diumano na aabot ng P660,000.

Naaktuhan si Baculare na hawak ang bag na naglalaman ng shabu nang dakmain siya ng mga operatiba ng NBI.

Ayon sa NBI report, masusing pinagplanuhan ng tatlong babaeng sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga sa isang undercover agent ang lahat ng kanilang magiging diskarte sakaling magkaroon ng hulihan.

Sa ganitong paraan umano ay hindi silang lahat ang mahuhuli ng mga awtoridad.

“Iniwan nila `yung kasama nila may hawak ng shabu, magkasama sila sa isang kotse ng dumating sa designated buy area,” saad sa NBI report.

Bukod sa pagpapalit ng sasakyan, inilagay din ng tatlong babaeng suspek ang kanilang shabu sa takeout bag ng isang kilalang chicken fast food chain kasama ng pagkain.

“Nagpalit ng kotse ng dalawang beses at nang binigay na `yung shabu sa loob ng takeout order na chicken nang binigay sa kasamang seller sa taxi naman nakasakay,” ayon kay Senior Agent Suzette Tucay.

Nakatakas umano ang dalawa pang babaeng suspek at iniwan ang kanilang sasakyan na kasalukuyan nang nasa kustodiya ng NBI.

Sinabi diumano ng naarestong si Baculare na inutusan siyang ideliber ang ilegal na droga sa undercover agent

Nakakulong na ngayon sa NBI si Baculare at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Nancy Carvajal)

The post Shabu nilulusot sa fast food takeout first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments