Apo ni-rape slay, bangkay tinapon sa sapa

Malagim na wakas ang sinapit ng isang 12-anyos na batang babae na ginahasa ng kanyang lolo saka pinatay pa at itinapon ang bangkay sa isang sapa sa Toril, Davao City.

Natagpuan ang bangkay ng biktimang Grade 7 student nitong Linggo.

Patuloy naman na pinaghahanap ang suspek na si Erinio Limocon Ado, 60-anyos, matapos ituro ng isang batang nakasaksi na siya ang gumawa ng krimen.

Napag-alaman na natulog ang biktima sa bahay ng lolo Sabado ng gabi at Linggo ng umaga ay natagpuan na lang ang bangkay nito sa sapa ilang metro lamang ang layo sa nasabing bahay.

Base sa awtopsiya, positibong ginahasa ang biktima bago ito pinatay sa pamamagitan ng pagsakal.

Ayon sa tiyahin ng biktima na hindi na nakuha ang pangalan, nasa lugar pa umano ang suspek ng matagpuan ang bangkay ng kanyang apo at napansin niya ito na tila aligaga habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya.

Nitong Lunes hindi na matagpuan ang suspek sa kanilang bahay at ayon sa asawa nito ay umalis ito at hindi nagsabi kung saan pupunta.

Samantala, ayon naman sa ama ng biktima, sadyang napakasakit ang nangyari sa kanyang anak dahil mismong kadugo pa nila ang gumawa ng krimen.

Nakatakda ring umuwi ang nanay ng biktima na isang overseas Filipino worker sa India dahil sa pangyayari.

Naglabas na rin ng arrest warrant ang korte laban sa suspek para sa kasong rape with homicide at target na siya ngayon ng manhunt operation ng kapulisan. (Edwin Balasa)

The post Apo ni-rape slay, bangkay tinapon sa sapa first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments