NBI wala pang kaso vs 22 pulis – NCRPO chief

Kasalukuyang nasa restrictive custody ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 22 pulis na sangkot diumano sa pagkamatay ng ilang high profile na preso sa New Bilibid Prison (NBP) na pinalabas na tinamaan ng COVID-19.

Ayon kay NCRPO chief Major General Jonnel Estomo, nauna ng sinibak sa kanilang puwesto ang mga nasabing pulis habang patuloy na dinidinig ang kasong administratibo laban sa kanila.

“Hanggang ngayon inaantay ko po `yung kaso na sinasabi ng NBI (National Bureau of Investigation). Nandiyan po `yung 22 na `yan, under custody ko po. Pero as of today wala pa naman ako natatanggap na kaso sa kanila,” pahayag ni Estomo sa isang panayam kahapon.

Samantala, sa hiwalay na panayam kay Bureau of Corrections (BuCor) acting Director General Gregorio Catapang Jr., inihayag nito na nakatanggap siya ng impormasyon na ang ilan umano sa mga drug lord na nakakulong sa NBP ay hindi namatay sa COVID-19 kundi pinatay ang mga ito sa Site Harry, isang COVID-19 isolation area sa loob ng NBP.

Ipinasa umano ni Catapang ang nasabing impormasyon sa NBI.

Ilan sa mga high profile na preso na sinasabing namatay dahil sa COVID-19 ay sina Jaybee Sebastian, Francis Go, Willy Yang, Benjamin Marcelo, Zhang Zhu Li, Jimmy Kinsing Hung, Ryan Ong, at Amin Boratong.

Sa kaso naman ni Sebastian, sinabi ni Catapang na hindi umano ito namatay sa loob ng Site Harry.

“Kahapon po nagpunta ako doon sa Site Harry at kinausap ko din `yung mga tao doon. Eh kahina-hinala naman ngayon na finding ay si Jaybee Sebastian hindi naman pala namatay doon sa Site Harry,” pahayag ni Catapang sa isang panayam sa radyo kahapon.

Isiniwalat diumano kay Catapang na namatay si Sebastian sa eskuwelahan na tinatatawag nilang Perpetual Help University at hindi sa ospital gaya ng unang napaulat.

Ayon pa kay Capatang, nagkaroon ng lakas ng loob ang ilang preso na isiwalat ang kanilang nalalaman matapos suspindehin si Gerald Bantag bilang BuCor chief na siyang itinuturong utak diumano sa pagpatay sa brodkaster na si Percival `Percy Lapid’ Mabasa. (Edwin Balasa)

The post NBI wala pang kaso vs 22 pulis – NCRPO chief first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments