Baka magising tayo sa China na ang Palawan – JV Ejercito

Hinikayat ni Senador Joseph Victor `JV’ Ejercito ang gobyerno na madaliin ang pagtatayo ng defense forces at military equipment sa West Philippine Sea (WPS) dahil papalapit na aniya ang military assets ng China sa coastline ng Pilipinas.

“This is already a clear and present danger. Hindi na ito puwedeng balewalain. If you saw the most recent pictures of the disputed islands, full blown military bases na. Ang dami na. It’s like a city already,” sabi ni Ejercito sa kanyang manipestasyon sa privilege speech ni Senador Francis Tolentino ukol sa WPS.

“Baka magising tayo, `pag pinabayaan pa natin ito, if we continue to be a laggard, baka `yung Palawan ma-annex na nila,” wika ng senador.

Para mapalakas ang depensa ng Pilipinas laban sa mga banta mula sa labas ng bansa, hiniling ni Ejercito sa kanyang mga kasama na dagdagan ang pondo para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang modernization program nito sa mga susunod pang taon.

Hinimok din nito ang gobyerno na bumili ng missiles, advance combat aircraft, submarines at naval assets para magdalawang-isip umano ang China bago labagin ang territorial integrity ng Pilipinas.

Samantala, inilabas kahapon ng AFP ang litrato ng 12 Chinese vessel na paikot-ikot sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon sa AFP, kuha ang mga litrato noong Nobyembre 23 sa isinagawang aerial patrol ng Western Command (Wescom).

Ang mga nasabing Chinese vessel ay kapareho rin umano ng nakita sa nasabing shoal nitong Disyembre 5.

Nito lang nakaraang linggo ay makikita umano na papalapit na ang mga Chinese vessel sa karagatang sakop ng Palawan.

Kinumpirma naman ni Wescom Vice Admiral Alberto Carlos ang presensya ng mga Chinese vessel sa WPS pero karamihan umano sa mga ito ay fishing vessel. (Dindo Matining/Edwin Balasa)

The post Baka magising tayo sa China na ang Palawan – JV Ejercito first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments