Pasabog ang ginawang pagbubunyag ng isang opisyal ng Department of Education (DepEd) ukol sa diumano’y maternity leave scam na sangkot ang mga guro.
Sa panayam ng ABS-CBN kay DepEd Division of Taguig City Pateros (DepED-TAPAT) Curriculum Implementation Division chief Dr. Ellery Quintia, isiniwalat nito ang nadiskubre umano nila na may ilang guro na sangkot sa paghahain ng maternity leave na ginawa 11 beses sa loob ng tatlong taon.
Nagpakita pa si Quintia ng mga dokumento bilang katunayan umano kung saan isang guro ang nakatanggap ng P35,000 hanggang P61,000 mula noong 2016 hanggang 2019 matapos na maghain ng maternity leave sa nasabing mga taon.
Alisunod sa Republic Act No. 11210 o Expanded Maternity Leave Law na nilagdaan noong 2019, ang mga babaeng kawani ng gobyerno, kabilang ang mga guro sa pampublikong paaralan ay binigyan ng maternity leave na 105 araw at may opsyon pang palawigin ito ng 30 araw subalit wala nang bayad.
Ayon kay Quintia noong 2019, napansin ng ilang personnel ang maanomalyang paghahain ng maternity leave, at ang accounting at bookkeeper noong panahong iyon ay naghain ng parehong report tungkol sa nasabing isyu.
Nalaman umano ni Quintia ang scam noon pang 2021 at nagpasya na siyang lumantad pero matapos ang kanyang preventive suspension noong Setyembre at nagbalik na siya sa trabaho ay nakakatanggap na siya ng mga pagbabanta sa kanyang buhay.
Nananawagan umano ngayon si Quintia kay Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte para maimbestigahan ang scam at mabigyan din siya ng proteksyon. (Dolly Cabreza)
The post Maternity leave scam sumingaw sa DepEd first appeared on Abante Tonite.
0 Comments